Opisyal nang inimpeach ng House of Representatives si Vice President Sara Duterte nitong May 11, 2026, dahilan upang siya ang maging kauna-unahang bise presidente sa kasaysayan ng Pilipinas na na-impeach sa dalawang magkasunod na Kongreso.
Sa botohan ng Kamara, 257 na mambabatas ang bumoto pabor sa impeachment, 25 ang tumutol, habang siyam naman ang nag-abstain.
Lumampas ito sa kinakailangang one-third vote o 106 na boto upang maipadala ang Articles of Impeachment sa Senado para sa paglilitis.
Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, at iba pang high crimes. Iniuugnay rin siya sa umano’y maling paggamit ng mahigit P600 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, pagkakaroon umano ng hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa procurement officials, at pagbabanta umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Noong 2025, una nang inimpeach si Duterte sa halos kaparehong mga alegasyon, ngunit ibinasura ito ng Korte Suprema matapos ideklarang lumabag umano sa one-year bar rule ng Konstitusyon.
Inaasahan nang ipapadala sa Senado ang Articles of Impeachment upang magsilbing impeachment court ang mataas na kapulungan.
Hindi dumalo si Duterte sa mga pagdinig ng Kamara at sa halip ay naglabas lamang ng mga pahayag. Ayon sa kanyang kampo, mas nais nilang harapin ang paglilitis sa Senado.
Samantala, sinabi ni Rep. Percival Cendaña na hindi dapat matinag ang Kamara sa biglaang pagpapalit ng liderato sa Senado matapos mahalal si Sen. Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President kapalit ni Sen. Vicente Sotto III.
Ayon naman kay ML party-list Rep. Leila de Lima, nakatutok umano ang taumbayan sa magiging aksyon ng Senado kaugnay ng impeachment case.
Maging si Rep. Toby Tiangco, na dati umanong may pag-aalinlangan sa impeachment, ay bumoto pabor dito dahil sa usapin ng pananagutan.
Samantala, iginiit naman nina Reps. Rachel del Mar at Paolo Marcoleta na ang kanilang pagtutol ay nakabatay umano sa kanilang paninindigan at sa proseso ng impeachment.
Sa panig ng depensa, sinabi ng mga abogado ni Duterte na handa silang harapin ang impeachment trial sa Senado at ipagtanggol ang bise presidente laban sa mga alegasyon. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
