Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Justice, muling iniharap ang mga matitinding akusasyon ni dating senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang sinumpaang salaysay, inisa-isa ni Trillanes ang umano’y financial link ng pamilyang Duterte, mula kay former president Rodrigo Duterte, hanggang sa kanyang common-law wife at bunsong anak na si Kitty Duterte, na sinasabing nakatanggap din ng daan-daang milyong piso mula sa kilalang drug lord na si Samuel “Sammy” Uy.
Isa ito sa mga detalyeng sinasabi ni Trillanes na maaaring pasok sa umano’y impeachable offenses.
Kasunod nito, binigyang-diin din ng dating senador na may umano’y tagong yaman si VP Sara Duterte.
Ito ay ayon sa impormasyong alinsunod din sa ulat ng Anti-Money Laundering Council o AMLC, na nagtala ng bilyon-bilyong pisong halaga ng umano’y suspicious transactions sa mga bank account na iniuugnay kay VP Sara at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Ayon kay AMLC executive director Ronel Buenaventura, umaabot sa P6.77 bilyong ang kabuuang halaga ng covered at suspicious transactions mula 2006 hanggang 2025.
Sa ulat ng ahensya, P1.83 bilyong ang pumasok sa mga account ni Duterte, habang P2.59 bilyong naman kay Carpio, o kabuuang P4.43 bilyong na deposits. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
