Umabot sa bagong all-time high na ₱18.49 trilyon ang kabuuang utang ng national government nitong March 2026, ayon sa datos na inilabas ng Bureau of the Treasury nitong Huwebes.
Mas mataas ito ng 1.81% kumpara sa ₱18.16 trilyon na naitala noong Pebrero.
Ayon sa Treasury, pangunahing dahilan ng paglobo ng utang ang paghina ng piso kontra US dollar na nagpataas sa halaga ng foreign currency-denominated debt ng bansa, kasabay ng pag-isyu ng karagdagang domestic securities.
Pumalo sa ₱12.53 trilyon ang domestic debt mula sa ₱12.48 trilyon noong nakaraang buwan dahil sa net issuance ng government securities na umabot sa ₱46.72 bilyon.
Samantala, umakyat naman sa ₱5.95 trilyon ang external debt mula sa ₱5.68 trilyon, o pagtaas na 4.81%.
Una nang sinabi ng pamahalaan na patuloy nitong bibigyang prayoridad ang pangungutang sa local sources o sa loob ng bansa para mabawasan ang panganib mula sa pandaigdigang financial market. | via Joana Luna, D8TV News
