Tila sigurado na ang impeachment ni Vice President Sara Duterte matapos maglabas nang paunang pahayag ng suporta ang ilang mambabatas para maiangat ang mga reklamo sa senado bago ang pormal na botohan sa susunod na linggo.
Ayon kay Tingog party-list representative Jude Acidre, tinatayang nasa 47 congressmen mula sa party-list coalition foundation incorporated o PCFI ang sumusuporta sa impeachment.
Dahil dito, umabot na sa Hindi bababa sa 137 votes ang kabuuang suporta kasama ang mga miyembro ng National Unity Party o NUP at Lakas-CMD.
Paliwanag ni acidre, habang sinusuri nila ang mga ebidensiya, mas luminaw umano ang dahilan kung bakit dapat ma-impeach ang pangalawang pangulo.
Dahil dito, 106 votes na lamang ang kailangan upang maipasa ang mga artikulo ng impeachment sa senado, na siyang gaganap bilang impeachment court para litisin si Duterte.
Nauna nang inihayag ni Bicol Saro party-list representative Terry Ridon na umaaabot na sa halos dalawang daang mambabatas ang pabor sa pag-aakyat ng kaso sa senado.
Samantala, ayon naman kay Deputy Speaker Ronaldo Puno, mahigit 30 members ng NUP ang nakahandang sumuporta sa impeachment, habang mahigit animnapung mambabatas ng lakas-cmd ang pabor din sa hakbang, batay sa pahayag ni Lanao Del Sur Representative Zia Alonto Adiong.
Noong nakaraang taon, na-impeach na rin si duterte matapos aprubahan ng dalawang daan at labinlimang mambabatas ang mga artikulo ng impeachment.
Pero ibinasura rin Ito ng Korte Suprema dahil sa mga paglabag sa proseso at sa konstitusyonal na probisyon na nagbabawal sa maramihang impeachment proceedings sa loob ng isang taon. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
