Isang bagong alegasyon ang ipinalutang ni Ramil Madriaga sa nagpapatuloy na impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang affidavit na binasa sa House Committee on Justice, sinabi ni Madriaga na inatasan umano siyang makipag-ugnayan sa Bise Presidente sa pamamagitan ng tawag at iwasan ang pagpapadala ng text messages hangga’t maaari.
Ayon kay Madriaga, ibinigay umano ang instruksyon matapos siyang ipakilala kay Duterte noong 2018 ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, bago ang lokal na halalan sa Davao City.
Mas naging detalyado din ang ilang alegasyon sa impeachment hearing laban kay Duterte matapos ilahad ni Madriaga ang umano’y pagdadala ng milyun-milyong piso gamit ang malalaking duffel bag.
Sa pagdinig, kinuwestiyon ni Manila Rep. Joel Chua ang laki ng bag na ginamit, kung saan inilarawan ito bilang isang “large duffel bag”.
Sa kanyang notarized affidavit, sinabi ni Madriaga na inutusan umano siya nina Colonel Dennis Nolasco at Colonel Raymond Lachica mula sa Office of the Vice President upang maghatid ng apat na duffel bag na may laman na hanggang P35 milyon bawat isa.
Ang nasabing affidavit ay kabilang sa mga ebidensyang sinusuri ng komite upang matukoy kung mayroong sapat na batayan o probable cause para ituloy ang impeachment laban sa Bise Presidente.
