SC, hindi pa naglabas ng TRO sa hiling ni Sen. Bato

Hindi muna pinagbigyan ng Supreme Court of the Philippines ang agarang kahilingan ni Sen. Ronald dela Rosa na mapigilan ang kanyang posibleng pag-aresto, detensyon, at paglipat kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court.

Sa isinagawang special session ng Korte Suprema, inatasan ng SC En Banc ang mga respondent na magsumite ng komento sa loob ng hindi mapapalawig na 72 oras kaugnay sa inihain urgent motion ng senador.

Matapos nito, bibigyan naman si dela Rosa ng karagdagang 72 oras upang magsumite ng kanyang tugon.

Ayon kay SC Spokesperson Camille Ting, hindi pa direktang tinalakay ng korte ang usapin ng pagpigil sa pag-aresto, at ang inilabas na resolusyon ay para lamang sa pagsusumite ng mga komento at sagot ng mga sangkot na panig.

Humihiling si dela Rosa ng temporary restraining order (TRO), writ of preliminary injunction, at status quo ante order upang mapigilan ang anumang pag-aresto laban sa kanya kaugnay ng imbestigasyon sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *