Pinaslang na negosyante sa QC, iniimbestigahan din —DILG

Isa-isang iniimbestigahan ng mga otoridad ang mga posibleng sangkot sa kaso ng pagpatay sa negosyanteng si Perry Mariano at driver nitong si Norberto Olimarco matapos silang pagbabarilin kamakailan sa kanto ng Timog Avenue at EDSA sa Quezon City.

Kabilang na rin sa sinisilip ng mga imbestigador ang mga umano’y illegal na aktibidad na may kaugnayan kay Mariano.

Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, kilala umano si Mariano sa ilang iligal na operasyon kaya isa ito sa mga anggulong tinututukan ngayon ng mga awtoridad.

Una nang sinabi ng Philippine National Police na kabilang sa mga tinitingnang motibo sa krimen ang posibleng business rivalry dahil sa iba’t ibang negosyo umano ni Mariano tulad ng bars, billiard halls, at small town lottery operations.

Bukod dito, natukoy na rin ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng motorsiklo na kasama ng gunman. Nakuhanan umano ng CCTV cameras ang mukha ng mga suspek habang tumatakas matapos ang pamamaril.

Sa ngayon, may sinusundan nang matibay na lead ang pulisya at nagpapatuloy ang manhunt operations sa loob at labas ng Metro Manila upang matunton ang mga responsable sa krimen. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *