Malaki ang paniniwala ni Interior Sec. Jonvic Remulla na mahuhuli at maibabalik sa Pilipinas ang pugante at dating Ako Bicol Party-list Representative na si Elizaldy Co upang harapin ang mga kasong isinampa laban dito.
Ayon kay Remulla, base sa pinakahuling impormasyon na kanilang natanggap, nananatili umano sa France ang dating mambabatas at kasalukuyang naghihintay sa resulta ng kanyang political asylum application.
Inamin din ni Remulla na siya mismo ang nagbigay ng impormasyon kay Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa pagkakaaresto umano kay Co sa border ng Czech Republic at Germany batay sa impormasyon mula sa immigration authorities.
Ayon sa kalihim, umabot umano sa 36 oras na nakulong si Co dahil sa umano’y paglabag sa immigration laws.
Umaasa rin si Remulla na maaaprubahan sa lalong madaling panahon ang Interpol request ng pamahalaan sa France na inihain pa noong Setyembre ng nakaraang taon.
Aminado ang kalihim na maaaring maging komplikado ang pagpapauwi kay Co kapag naaprubahan ang political asylum nito bago pa man mailabas ang Interpol notice.
Bukod kay Co, patuloy ding pinaghahanap ng mga otoridad ang negosyanteng si Charlie Ang o mas kilala bilang Atong Ang, na huling namataan umano sa Cavite noong nakaraang buwan.
Samantala, hinihintay naman ng pamahalaan ang magiging desisyon sa asylum request ni Harry Roque sa Vienna, Austria kung ito ba ay maaaprubahan o hindi. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
