Magbibigay ng libreng sakay ang Philippine National Police (PNP) para sa mga apektadong commuter sa nakatakdang tatlong araw na nationwide transport strike ng grupong Manibela simula Miyerkules, April 15.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinikilala ng pulisya ang karapatan ng mga transport group na maghayag ng kanilang hinaing sa mapayapang paraan, ngunit kasabay nito ay titiyakin din nila ang kaligtasan at convenience ng publiko.
Gayunman, hindi pa inilalabas ng PNP kung aling mga ruta ang sasaklawin ng kanilang libreng transport assistance.
Ang transport strike ay isasagawa ng Manibela upang igiit ang aksyon ng pamahalaan kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa PNP, nakikipag-ugnayan na sila sa mga transport group para masiguro ang maayos na daloy ng protesta at maiwasan ang anumang aberya.
Giit ng pulisya, mananatili silang naka-“maximum tolerance” sa mga rally, habang pinaaalalahanan ang mga kalahok na ang karapatang magprotesta ay may kaakibat na responsibilidad.
