Halos isang milyong customers ng Meralco ang nakaranas ng dalawa hanggang tatlong oras na pagkawala ng kuryente nitong Miyerkules ng gabi matapos isailalim sa red alert status ang Luzon power grid.
Ayon sa Meralco, ipinatupad ang manual load dropping o rotational brownouts matapos ideklara ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang red alert sa Luzon mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi dahil sa manipis na power reserves.
Batay sa ulat, mahigit 3,000 megawatts ng suplay ng kuryente ang nawala ng kapasidad dahil sa sabay-sabay na pagkasira o forced outage ng ilang planta.
Mahigit 920,000 customers sa ilang bahagi ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, at Rizal ang naapektuhan ng rotational brownouts, habang nasa 270,000 serbisyo naman ang agad na naibalik.
Nagbabala rin ang NGCP na maaari pang ipatupad ang karagdagang rotational brownouts sa ilang lugar sa Luzon upang mapanatili ang katatagan ng power grid.
Ayon sa Meralco, tumutulong na rin ang mga malalaking kliyente sa ilalim ng Interruptible Load Program upang mabawasan ang demand at maiwasan ang mas malawak na power interruptions.
