Inaprubahan na sa Senado ang Senate Bill No. 1432 o Freedom of Information (FOI) Bill sa botong 22-0 sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Sa sesyong pinangunahan ni Senate President Tito Sotto, nagkaisa ang lahat ng senador sa pagsuporta sa panukala na layuning palakasin ang karapatan ng publiko na makakuha ng government records at mahahalagang dokumento ng pamahalaan.
Ayon sa mga mambabatas, magbibigay ang panukala ng mas mataas na antas ng transparency sa gobyerno at mas magpapalakas ng pananagutan ng mga opisyal sa kanilang tungkulin.
Kasabay nito, inaprubahan din ng Senado ang isa pang transparency measure, ang Senate Bill No. 1981, na pumasa rin sa botong 22-0.
Kapag naisabatas, inaasahang mas mapapadali ang access ng publiko sa impormasyon at datos ng gobyerno, maliban sa mga sensitibong usapin.
Kabilang sa mga hindi maaaring ilabas ang mga classified o confidential na impormasyon na saklaw ng batas, partikular ang may kinalaman sa national security, defense, law enforcement, foreign affairs, presidential communications privilege, at executive sessions ng Kongreso. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
