Target ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matapos ang lahat ng cash relief assistance payouts sa buong bansa hanggang May 20.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, direktiba ito ni Secretary Rex Gatchalian bilang bahagi ng Unified Package for Livelihood, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program.
Ipagpapatuloy din sa May 11 ang payout para sa mga TNVS drivers, motorcycle taxi riders, at delivery riders sa Metro Manila.
Nakipagpulong na rin ang DSWD sa transport network companies upang masiguro ang maayos na listahan at mas mabilis na distribusyon ng ayuda.
Kasabay nito, muling magpapatuloy ang payout sa mga public utility vehicle drivers sa labas ng Metro Manila.
Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng ₱5,000 cash assistance bilang tulong sa epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
