Nananatili ang inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin ang pangunahing alalahanin ng mga Pilipino, batay sa survey ng OCTA Research na inilabas ngayong Biyernes.
Sa 1,200 adult respondents noong kalagitnaan ng Marso, 45% ang nagsabing ang pagtaas ng presyo ang pinakamahalagang isyu sa bansa sa unang quarter ng 2026.
Mas mataas ito kumpara sa 41% noong huling bahagi ng 2025.
Ayon sa OCTA, patuloy na nagpapabigat sa mga pamilya ang tumataas na gastusin sa araw-araw, habang nananatili ring malaking isyu ang korapsyon na bumaba lamang nang bahagya sa 26%.
Samantala, bumaba rin ang concern sa umento sa sahod sa 33%, habang mas dumami ang nababahala sa ipon, trabaho, at sapat na pagkain.
Sinabi ng OCTA na malinaw na mas nangingibabaw na ngayon ang pang-araw-araw na gastusin kaysa ibang isyung pang-ekonomiya sa pananaw ng publiko.
