Nabisto ng mga operatiba ng PNP Highway Patrol Group ang iligal na pagsasalin ng methanol sa mga produktong petrolyo sa isang garahe sa Caloocan City, kung saan aabot sa ₱8.9 milyon halaga ng langis ang narekober.
Huli sa akto ang isang lalaki habang nagsasalin ng methanol mula sa isang tanker papunta sa isang container matapos itong masilip ng mga pulis sa isinagawang anti-carnapping operations sa lugar.
Ayon kay PNP-HPG Spokesman Lt. Dame Malang, kahina-hinala ang kondisyon ng tanker na dumaan sa hindi tamang ruta, dahilan upang sundan ito ng mga awtoridad.
Natuklasan sa operasyon ang ilang malalaking container na may lamang produktong petrolyo. Nang hingan ng dokumento ang mga sangkot, wala silang maipakitang papeles.
Sa imbestigasyon, napag-alamang hinahaluan ng methanol ang nakaimbak na petrolyo na nakalagay sa mga container, na umano’y ibinebenta sa mas murang halaga.
Nasabat sa operasyon ang 10,000 litro ng methanol, 8,000 litro ng unleaded gasoline, 1,000 litro ng premium gasoline, at 1,000 litro ng diesel.
Ayon pa sa PNP-HPG, ang mga produktong ito ay ibinibenta umano sa mga pribadong trucking services na naghahanap ng mas murang suplay ng langis.
Anim na katao ang naaresto sa operasyon, habang tinutukoy na rin ng pulisya ang may-ari ng compound na pinapatawag para sa imbestigasyon.
Nahaharap sa kasong illegal handling at possession of petroleum products ang mga suspek. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
