Patay ang dalawang overseas Filipino worker (OFW) matapos mabaril ng kanilang employer sa Beirut, Lebanon, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes.
Ayon sa ahensiya, parehong household service workers na nagtatrabaho sa iisang Bahay ang mga biktima. Naganap ang insidente noong April 15 sa gitna ng isang hostage situation.
Agad na inaresto ng mga otoridad sa Lebanon ang employer na ngayon ay nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang paghahain ng pormal na kaso.
Iniutos na rin ni DMW Sec. Hans Leo Cacdac ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.
Magsasagawa rin ng personal na pagbisita ang mga opisyal ng DMW sa mga naiwang pamilya para sa assistance at koordinasyon sa repatriation at benepisyo.
Tiniyak ng pamahalaan na patuloy nitong itutulak ang hustisya para sa mga nasawing manggagawang Pilipino.
