Maynilad, inutusan na i-refund ang mahigit ₱54M sa customers

Inatasan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO) ang Maynilad Water Services, Inc. na magbayad ng higit ₱54 milyon bilang rebate para sa mga customer na naapektuhan ng paulit-ulit at matagal na water service interruptions sa ilang bahagi ng Metro Manila at Cavite.

Aabot sa ₱54,283,839.29 ang kabuuang halaga ng rebate na ipapamahagi sa 165,518 customer sa Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque, Imus, at Bacoor. Katumbas ito ng ₱327.96 na rebate kada koneksyon at makikita sa billing ng mga apektadong customer sa Mayo 2026.

Batay sa imbestigasyon ng MWSS, nabigo ang Maynilad na makapagbigay ng tuloy-tuloy na 24-oras na suplay ng tubig na may minimum pressure na seven pounds per square inch (psi), na lumabag sa kanilang obligasyon bilang concessionaire.

Naitala ang mga paglabag sa mga lugar na siniserbisyuhan ng Putatan at Poblacion water treatment plants, kung saan naranasan ang sunod-sunod at matagal na water interruptions.

Ayon sa MWSS, layunin ng naturang hakbang na tiyakin ang pagsunod ng mga water concessionaire sa kanilang service commitments at protektahan ang kapakanan ng mga konsyumer.

Tiniyak naman ng Maynilad na susunod ito sa direktiba ng regulator at ipatutupad ang rebate program. Iginiit din ng kumpanya na naapektuhan ang operasyon dahil sa pabago-bagong kalidad ng tubig mula sa Laguna Lake, na pinalala pa ng Amihan season.

Sa ngayon, nakikipag-ugnayan ang Maynilad sa MWSS upang maayos na maipatupad ang rebate at maipaalam ito sa mga apektadong customer.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *