Hinamon ni Vice President Sara Duterte, sina former House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at puganteng si Zaldy Co, na sabihin na ang umanong “totoo” kaugnay ng kontro bersyal na flood control projects.
Sa pakikipagpulong sa overseas Filipino at supporters sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na kung totoong interesado sina Romualdez at Co sa hustisya para sa mamamayan at bansa, dapat nilang ilahad ang katotohanan.
Dagdag pa ng Bise Presidente, magkaiba umano ang pahayag nina Romualdez at Co hinggil sa isyu.
Kapwa naiuugnay sina Romualdez at Co sa umanong maanomalyang flood control projects, subalit mariin nilang itinanggi ang mga akusasyon.
Samantala, tila binalewala rin ni Duterte ang pahayag ng ilang mambabatas sa Kamara na may mahigit 200 miyembro umano ang handang bumoto pabor sa impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Duterte, marami umano ang “kumikita” gamit ang kanyang pangalan.
Nagbigay rin siya ng komento kaugnay sa pagkakaaresto ng ilang social media personalities dahil umano sa pagpapakalat ng fake news. Aniya, “sensitive, insecure at takot” umano ang mga naaapektuhan ng opinyon ng ordinaryong mamamayan. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
