Muling inakusahan ni dating senador Antonio Trillanes IV ang pamilyang Duterte na nagmula umano sa ilegal na droga ang kanilang yaman.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Trillanes na kinumpirma umano ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kanyang mga naunang alegasyon laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa Bise Presidente.
Sa naturang pagdinig, binasa ni Trillanes ang kanyang affidavit na naglalaman ng umano’y pagtanggap ng pamilya Duterte ng mahigit ₱181 milyon mula sa isang hinihinalang drug lord.
Sa panayam ng D8TV News, sinabi ni Trillanes na “magaan sa pakiramdam” ang umano’y kumpirmasyon ng AMLC, ngunit ikinalungkot niyang hindi ito agad pinaniwalaan ng publiko noong una niya itong inilabas noong 2016.
Dagdag ni Trillanes, handa siyang tumestigo at sumailalim sa cross-examination sa anumang pagdinig.
Samantala, wala pang pahayag ang kampo ng pamilyang Duterte hinggil sa mga alegasyon.
