Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamamahagi ng rice subsidies sa mga residente ng Maynila sa ilalim ng programang Biyayang Bigas Para sa Maynila.
Isinagawa ang ceremonial distribution sa isang mall, kung saan bawat benepisyaryo ay tumanggap ng 10 kilo ng bigas.
Ayon sa Pangulo, bahagi ito ng hakbang ng administrasyon para tiyakin ang seguridad sa pagkain at maibsan ang epekto ng patuloy na economic pressures sa pamilyang Pilipino. Sinabi rin niya na ipatutupad sa buong bansa ang rice distribution initiative.
Layon ng programa na makatulong sa tinatayang 80,000 pamilya sa Maynila sa loob ng anim na buwan, kabilang ang mga manggagawa sa transport at service sectors na itinuturing na pinakaapektado ng sitwasyon.
Ang programa ay pinondohan ng Office of the President na naglabas ng humigit-kumulang ₱286 milyon na ipinasa sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Financial Assistance to Local Government Units (FALGU).
