Pangulo, walang kapangyarihan magtanggal ng Deputy Omb

Muling pinagtibay ng Supreme Court of the Philippines na walang kapangyarihan ang Pangulo na magtanggal ng Deputy Ombudsman, bilang paggalang sa independensiya ng Office of the Ombudsman.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Office of the President na nais baligtarin ang naunang ruling na pumabor kay dating Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang.

Nag-ugat ang kaso noong 2017 matapos ibunyag ni Carandang ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng noo’y Pangulong Rodrigo Duterte, na kalauna’y naging dahilan ng kanyang pagkakatanggal sa puwesto.

Gayunman, iginiit ng Korte Suprema na ang kapangyarihang magdisiplina sa Deputy Ombudsman ay nasa Ombudsman lamang, at hindi sa Pangulo.

Dagdag pa ng Korte, mahalagang mapanatili ang checks and balances upang maiwasan ang posibleng panghihimasok ng ehekutibo sa mga imbestigasyon laban dito.

Bagama’t hindi na maibabalik sa puwesto si Carandang dahil tapos na ang kanyang termino, inatasan ang pagbibigay sa kanya ng buong benepisyo at back salaries matapos ideklarang walang legal na basehan ang kanyang dismissal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *