Hinarang ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang pagbubukas ng kahon na naglalaman ng income tax returns o ITR ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa pagdinig ng House Committee on Justice, kahapon.
Ayon kay BIR Commissioner, Atty. Charlito Mendoza, bagaman saklaw ng subpoena ng komite ang mga dokumento, maaari lamang itong ilabas kung ang request ay “in aid of legislation” at dapat suriin sa isang executive session, hindi sa pampublikong pagdinig na may presensya ng media.
Dagdag pa ng ahensya, ipinagbabawal ng National Internal Revenue Code (Section 270) ang paglalabas ng sensitive tax information ng isang indibidwal, maliban sa ilang exceptions, kabilang na ang pagsusuri nito ng Kongreso sa pamamagitan ng executive session.
Pero, sa ilalim ng restrictions nito, ang mga personal na detalye ng isang taxpayer ay dapat lamang ilabas sa executive session, at kung may nakasulat na pahintulot ang may-ari nito.
Samantala, kinuwestyon ni House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima ang interpretasyong ito, at iginiit na hindi maaaring manaig ang Tax Code laban sa kapangyarihan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon, lalo na sa usapin ng impeachment.
Sa ngayon, nananatiling selyado ang kahon ng mga ITR at nasa kustodiya ng House Committee on Justice matapos pansamantalang ipagpaliban ang pagdinig. | via Judea Bernardo, D8Tv Correspondent
