Onboarding ng bagong TNVS, MC drivers, pinatigil

Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapatigil sa pagpasok ng mga bagong Transport Network Vehicle Service (TNVS) drivers at motorcycle taxi riders sa ilalim ng mga transport network companies.

Ayon sa DOTr, may ilang kumpanya na umano’y lumagpas na sa itinakdang limitasyon ng bilang ng mga driver sa ilalim ng kanilang prangkisa, na nagresulta sa tinatawag na “tempo drivers” o hindi awtorisadong operators.

Inatasan din ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na suspendihin muna ang pagtanggap ng mga bagong aplikante, maliban sa mga may aprubadong prangkisa.

Sinabi ng DOTr na layunin ng hakbang na tiyakin ang pagsunod sa regulasyon at maiwasan ang pagdami ng hindi awtorisadong drivers sa transport network sector.

Kasabay nito, pinag-aaralan din ng ahensya ang posibleng parusa laban sa mga kumpanyang lalabag sa onboarding limits. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *