Tumugon ang Malacañang sa panawagan ni Senador Ronald dela Rosa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na protektahan siya bilang isang Pilipino.
Sa press briefing, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na maging ang mga biktima ng extrajudicial killings o EJK ay humihingi rin ng proteksyon mula sa pamahalaan.
Ayon kay Castro, ang akusado gaya ni dela Rosa, ay bibigyan ng proteksyon alinsunod sa umiiral na batas.
Dagdag pa niya, sakaling maaresto ang senador, igagalang at ipagkakaloob pa rin ang lahat ng kanyang karapatan bilang akusado.
Tungkol naman sa paglitaw ni dating Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng usapin, sinabi ni Castro na wala siyang personal na kaalaman kung nagkataon lamang ang timing ng mga pangyayari.
Samantala, sinabi rin ni Castro na umaasa siyang patuloy na haharap si dela Rosa sa Senado upang gampanan ang kanyang tungkulin bilang senador.
END
