Hakbang para patatagin ang presyo, suplay ng pagkain, tiniyak

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tuloy-tuloy na interbensyon ng pamahalaan para mapanatili ang suplay at presyo ng pagkain sa gitna ng pagtaas ng gastos sa krudo.

Sa kanyang pagbisita sa Benguet Agri-Pinoy Trading Center sa La Trinidad, Benguet, binigyang-diin ang mga hakbang tulad ng pagtanggal ng toll fees para sa mga truck ng agricultural products, pagbawas ng local government fees, at fuel subsidy na nagbigay ng tinatayang ₱10 bawas sa presyo ng diesel.

Isinasama rin sa TUPAD program ang mga driver na naapektuhan ng sitwasyon upang mabigyan ng pansamantalang trabaho.

Samantala, binili rin mismo ni Pangulong Marcos ang halos 12 toneladang agri-products mula sa Benguet, sa pamamagitan ng Office of the President, upang maipamahagi sa mga komunidad na apektado ng mataas na gastos sa transportasyon.

Ayon sa Department of Agriculture, ang mga produktong ito ay ipapamahagi sa ilang lungsod sa Metro Manila at sa mga government institutions gaya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Department of Social Welfare and Development (DSWD) Walang Gutom Centers, at ilang orphanages.

Inaprubahan din ng Pangulo ang pagtatayo at rehabilitasyon ng cold storage at vegetable processing facility sa Benguet para mabawasan ang post-harvest losses at mapatatag ang suplay ng gulay sa merkado.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *