Nag-uumapaw ang emosyon sa labas ng Korte Suprema sa pagdating ng mga magulang ni Mary Jane Veloso upang maghain ng petisyon para mapakinggan na ang kanilang motion to resolve na inihain noong November 2025.
Kasama ng National Union of Peoples’ Lawyers, hiniling ng pamilya ni Veloso na mapalaya na siya dahil isa umano siya sa mga biktima ng human trafficking.
Nais din nilang malinawan kung bakit patuloy pa ring nakakulong si Veloso kahit handa umano itong tumestigo laban sa mga recruiter nito.
Matatandaang nahatulan ng death penalty si Veloso sa Indonesia matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin noong 2010, ngunit nabigyan siya ng last-minute reprieve noong 2015 bago sana isagawa ang kaniyang execution.
Ayon sa pamilya, umaasa si Veloso na makapiling muli ang kaniyang mga anak matapos ang 17 taong pagkakawalay, lalo na ngayong papalapit ang Mother’s Day. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
