22 lugar sa bansa, makararanas ng hanggang 45°C heat index

Nagbabala ang PAGASA na dalawampu’t dalawang lugar sa bansa ang makararanas ng danger-level heat index ngayong Biyernes, Mayo 8.

Ayon sa ahensya, kabilang sa mga lugar na posibleng makaranas ng matinding init ang Aparri, Cagayan na inaasahang aabot sa 45°C ang heat index.

Kasama rin sa makararanas ng 42°C hanggang 44°C na heat index ang ilang lugar sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cavite, Palawan, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Samar.

Ipinaliwanag ng PAGASA na ang heat index ay kombinasyon ng temperatura at halumigmig o humidity na nararamdaman ng katawan ng tao.

Kapag umabot sa danger level o 42°C hanggang 51°C ang heat index, tumataas ang panganib ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke.

Pinapayuhan ang publiko na umiwas sa matagal na pagbibilad sa araw, uminom ng maraming tubig, at limitahan ang mga mabibigat na gawain sa labas ng bahay upang maiwasan ang mga sakit na dulot ng matinding init.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *