Posibleng matiyak na ang pag-usad ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos lumabas sa paunang bilang sa Kamara na sapat na ang suporta ng mga mambabatas upang maakyat ito sa Senado.
Ayon kay Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, nasa 47 mambabatas mula sa Party-list Coalition Foundation Incorporated o PCFI ang sumusuporta sa impeachment complaint.
Dahil dito, umabot na sa hindi bababa sa 137 boto ang suporta mula sa mga miyembro ng National Unity Party (NUP) at Lakas-CMD.
Kinakailangan lamang ng 106 boto upang maipasa sa Senado ang impeachment case na magsisilbing impeachment court para litisin ang bise presidente.
Una nang sinabi nina Bicol Saro Rep. Terry Ridon, Deputy Speaker Ronaldo Puno, at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na maaari pang umabot sa 180 hanggang halos 200 ang bilang ng mga susuporta sa impeachment.
Matatandaang na-impeach na noon si Duterte matapos suportahan ng 215 mambabatas ang articles of impeachment, ngunit kalaunan ay ibinasura ito ng Korte Suprema dahil sa procedural flaws at paglabag umano sa constitutional safeguard laban sa multiple impeachment proceedings sa loob ng isang taon.
