Viral ngayon ang isang insidente ng road rage matapos magsuntukan ang ilang motorista sa Quezon City noong May 2, na nag-iwan ng isang lalaking duguan.
Nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quirino Highway malapit sa Asuncion Drive matapos magpang-abot ang isang pampasaherong bus at dalawang motorsiklo na umano’y nagkagitgitan sa kalsada.
Ayon kay Quezon City Police Station 16, Station Commander, Lt. Col. Gemmer Tubiera, kinompronta ng bus driver ang mga rider hanggang sa huminto ang magkabilang panig. Bumaba ang driver dala ang isang tubo, ngunit agad itong naagaw ng isa sa mga rider at ginamit sa paghampas sa driver at konduktor.
Ayon kay Lt. Col. Gemmer Tubiera, magsasampa ng kasong serious physical injury ang magkabilang panig matapos matanggap ang kanilang medical certificates.
Natukoy na rin ng pulisya ang dalawang suspek na sakay ng motorsiklo na napag-alamang magkamag-anak at nagtamo rin ng sugat.
Paalala ng pulisya sa mga motorista na manatiling kalmado at iwasan ang karahasan sa kalsada. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
