Iginiit ng Malacañang na dapat managot ang sinumang mapatunayang nagkasala kasunod ng pagkakaaresto sa social media personality na si Franco Mabanta at apat na iba pa kaugnay ng umano’y extortion case na may kinalaman kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, suportado ng administrasyon ang due process ngunit malinaw na pananagutin ang sinumang sangkot sa krimen.
Nilinaw rin ng Palasyo na hindi kaibigan ng Pangulo si Mabanta, taliwas sa mga lumabas na alegasyon, at itinuro ang umano’y ugnayan nito sa kampo ng mga Duterte.
Samantala, sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang kaso ay hindi tungkol sa kalayaan sa pamamahayag kundi sa umano’y kriminal na gawain.
Ayon sa NBI, hinihinalang humingi si Mabanta at kanyang grupo ng pera kapalit ng hindi paglalabas ng isang dokumentaryo na nag-uugnay kay Romualdez sa flood control controversy.
Naaresto ang lima sa isang entrapment operation sa Pasig City matapos umano nilang tanggapin ang ₱75 milyon na marked money.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong robbery/extortion sa ilalim ng Revised Penal Code kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
