Umakyat pa ang bilang ng mga residenteng apektado ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon nitong Sabado.
Sa pinakahuling datos ng Office of Civil Defense (OCD), umabot na sa 199,367 katao o katumbas ng 52,590 pamilya ang apektado ng aktibidad ng bulkan.
Sa naturang bilang, 5,459 katao o 1,444 pamilya mula sa 142 barangay ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center. Samantala, 85 katao o 26 pamilya naman ang pansamantalang nanunuluyan sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa OCD, ipinatutupad ang whole-of-government response para sa mga residenteng apektado ng pagputok ng Mayon.
Una nang namahagi ang OCD-Bicol ng 24,000 bote ng mineral water sa Guinobatan, 500 hygiene kits sa Camalig at Guinobatan, at 1,000 goggles para sa mga responders.
May naka-preposition ding mga suplay at tuloy-tuloy ang koordinasyon ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan para sa posibleng paglala ng sitwasyon. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
