Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng bagong bahagi ng Cavite-Laguna Expressway na inaasahang magpapabilis ng biyahe sa South Luzon.
Ang 7.88-kilometrong Subsection 3 ay umaabot hanggang Governor’s Drive Interchange sa General Trias, Cavite, na magpapababa ng travel time mula Biñan, Laguna hanggang 26 minuto mula sa dating isang oras.
Ayon sa Pangulo, nasa 10 taon isinagawa ang proyekto dahil sa mga isyu sa right of way, ngunit tuluyan nang natapos at binuksan sa publiko.
Dagdag pa niya, magiging toll-free ang bagong segment sa loob ng isang buwan simula mamayang hatinggabi upang mahikayat ang mga motorista na gamitin ito.
Inaasahang makakatulong ang bagong daan sa humigit-kumulang 6,000 motorista kada araw at magsisilbing alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding trapiko sa Cavite.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 26 kilometro ang operational length ng CALAX, na inaasahang mag-uugnay sa Manila-Cavite Expressway at South Luzon Expressway kapag ganap na natapos.
