Aalis si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong Japan mula May 26 hanggang 29 para sa isang state visit na layong palakasin pa ang strategic partnership ng Pilipinas at Japan.
Ayon sa Malacañang, inimbitahan ng pamahalaan ng Japan ang Pangulo upang makipagpulong kay Prime Minister Sanae Takaichi. Tatalakayin ng dalawang lider ang pagpapalakas ng ugnayan sa larangan ng enerhiya, seguridad sa pagkain, at maritime security.
Kasama sa biyahe ng Pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos. Inaabangan din ang pakikipagkita ng First Couple kay Emperor Naruhito at Empress Masako sa Imperial Palace para sa mga pormal na seremonya at state banquet.
Bukod dito, makikipagpulong din ang Pangulo sa mga negosyanteng Hapones at sa Filipino community sa Japan.
Ang pagbisita ay kasabay ng ika-pitumpung anibersaryo ng diplomatic relations ng Pilipinas at Japan. | via Joana Luna, D8TV News
