Patuloy na kinikilala sa international stage ang lutuing Pilipino matapos mapasama ang inasal na manok at adobong manok sa listahan ng world’s best chicken dishes ng TasteAtlas ngayong Abril 2026.
Nanguna ang inasal na manok bilang Best Chicken Dish sa Southeast Asia at pumangatlo sa buong mundo, patunay ng patuloy na popularidad nito sa global audience.
Samantala, nakapasok din ang adobong manok sa listahan, bilang Top 6 sa Southeast Asia at Top 40 sa buong mundo.
Ayon sa TasteAtlas, kilala ang inasal sa natatanging timpla at paraan ng pag-ihaw, habang ang adobo naman ay tampok sa balanseng lasa ng alat, asim, at tamis.
Ikinatuwa ng Department of Tourism ang pagkilalang ito, na anila’y nagpapalakas sa imahe ng Pilipinas bilang destinasyon ng masarap at makulay na kultura ng pagkain.
Dagdag ng ahensya, nagbubukas din ito ng mas maraming oportunidad para sa mga nasa industriya ng pagkain, kabilang ang mga magsasaka, chef, at maliliit na negosyante. | Joana Luna, D8TV News
