Palalawigin ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang No Contact Apprehension Policy o NCAP upang masaklaw na rin ang mga lumalabag sa tamang pagtatapon ng basura sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA General Manager Nicolas Torre II, gagamitin ang mga CCTV camera para matukoy ang mga indibidwal na nagtatapon ng basura sa maling lugar, kahit walang aktuwal na enforcer sa paligid.
Ipapadala umano ang mga nakuhang impormasyon sa mga barangay upang makilala ang violator. Ipinaliwanag ni Torre na kapag nahuli sa CCTV ang isang indibidwal, kukunan ito ng larawan at ipapa-verify sa barangay.
Bibigyan ng pagkakataon ang violator na magpaliwanag, ngunit kung hindi ito sapat, iisyuhan siya ng ticket at pagmumultahin. Kung tatangging magbayad, maaaring mauwi sa pagsasampa ng kaso at posibleng pag-isyu ng warrant.
Mayroon nang mahigit 450 CCTV cameras sa Metro Manila na gagamitin sa monitoring.
