Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa LPG at kerosene sa loob ng tatlong buwan.
Batay sa Executive Order No. 114, saklaw ng suspensyon ang LPG, maliban kung gagamitin bilang raw material sa petrochemical products o pang-motive power, at kerosene, maliban kung gagamitin bilang aviation fuel.
Layunin ng hakbang na mapagaan ang gastusin ng mga konsyumer sa gitna ng pabago-bagong presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Department of Finance, maaaring makatipid ang mga mamimili ng halos P37 sa kada 11-kilogram na tangke ng LPG at mahigit P5 kada litro ng kerosene.
Isasailalim naman sa buwanang pagsusuri ang kautusan, at maaaring maagang ibalik ang buwis kapag bumaba sa ilalim ng 80 dollars per barrel ang average na presyo ng Dubai crude oil, o matapos ang itinakdang panahon.
