Inanunsyo ng Land Transportation Office ang tatlong buwang extension para sa driver’s license, conductor’s license, student permit, at vehicle registration na mag-e-expire ngayong April 2026.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ipinatupad ang hakbang sa ilalim ng Department of Transportation sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bilang tulong sa mga motorista na apektado ng patuloy na fuel crisis at pagtaas ng gastusin.
Sa ilalim ng polisiya, mananatiling valid ng karagdagang tatlong buwan ang mga lisensya at rehistro na mag-e-expire ng April, at hindi papatawan ng multa ang mga gagamit nito sa loob ng extension period.
Nilinaw rin ng ahensya na kahit masangkot sa aksidente ang isang motorista na may expired na lisensya ngunit sakop ng extension, ito ay ituturing pa ring valid at legal.
Dagdag pa ni Lacanilao, ang renewal ng driver’s license ay nagkakahalaga ng ₱585 para sa card, habang hiwalay pa ang bayad sa medical examination.
