Nasampahan na ng kaso ang dalawa sa tatlong suspek sa viral na insidente ng panunugod at pagbabanta sa isang bahay sa Brgy. Minuyan, Norzagaray, Bulacan.
Naaresto ang dalawang suspek noong May 3 matapos ang follow-up operations ng pulisya.
Ayon kay Bulacan Provincial Police Office, Provincial Director, Col. Jay Baybayan, nagsimula ang insidente matapos magkaroon ng gitgitan sa kalsada sa pagitan ng biktima at ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Matapos ang insidente, bigla umanong sumugod sa bahay ng biktima ang mga suspek kasama ang isa pang lalaki na may dalang baril.
Dito na paulit-ulit na kumatok at sumigaw ang mga suspek habang pilit na pinapalabas ng bahay ang mga biktima para makipag-usap.
Pagkaalis ng mga suspek, agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya ang mga biktima kaya nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Kinilala na rin ng mga awtoridad ang lalaking naglabas ng baril na napag-alamang isang private employee.
Batay sa rekord, rehistrado umano ang kalibre .45 na baril nito ngunit wala siyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Nahaharap sa reklamong trespass to dwelling, grave threat, at malicious mischief ang dalawang naarestong suspek.
Samantala, karagdagang reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa laban sa suspek na patuloy pang pinaghahanap ng pulisya. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
