Ikatlong insidente ng “gas and go” naitala sa QC

Muling naitala ang panibagong insidente ng “gas and go” sa Quezon City kamakailan, ang ikatlo na sa lungsod, habang isa pa ang naiulat sa Bacolod City, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Nangyari ang insidente bandang alas-3 ng madaling araw noong May 3 sa isang gasolinahan sa Mindanao Avenue, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Sa CCTV footage ng establisimyento, makikita ang isang asul na sedan na pumasok upang magpakarga ng krudo. Nabatid na nagkarga ito ng gasolina na nagkakahalaga ng ₱1,500. Pagkatapos, mabilis na umalis ang sasakyan at hindi na nagbayad.

Ayon sa PNP, kahapon lamang nai-report sa kanila ng gasolinahan ang insidente kaya agad silang nagsagawa ng imbestigasyon.

Sa mahigit 4,100 gasolinahan sa buong bansa na minomonitor ng pulisya, sinabi ng PNP na nananatiling isolated cases lamang ang mga insidente ng gas and go.

Patuloy naman ang pagre-enhance ng CCTV footage upang mas malinaw na makuha ang plaka ng sasakyan.

Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng sasakyan.

Nanawagan din ang PNP sa mga establisimyento na agad ireport sa pulisya sa pamamagitan ng 911 hotline ang mga ganitong insidente upang agad na makaresponde ang mga awtoridad.

Ayon kay PNP Spokesman, Brig. Gen. Randulf Tuaño, isa rin ito sa magiging batayan ng performance ng mga regional director, provincial director, at station commanders ang mabilis na pagresolba sa mga ganitong kaso. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *