Kinuwestiyon ng defense counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng International Criminal Court na kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity laban sa dating lider.
Tinawag ni Atty. Nicholas Kaufman na “bizarre” ang ruling ng ICC, at iginiit na wala umanong malinaw na ebidensyang binanggit sa desisyon para suportahan ang mga akusasyon.
Ayon kay Kaufman, mismong si Duterte ay nagtanong din umano kung ano ang batayan ng mga paratang laban sa kanya.
Binatikos din ng abogado ang umano’y kakulangan sa detalye sa ruling, kabilang ang oras, lugar at pagkakakilanlan ng mga biktima, mga bagay aniya na mahalaga sa paghahanda ng depensa sa paglilitis.
Sa kabila nito, kinilala ng kampo ni Duterte na uusad na ang kaso sa trial stage, kung saan sinabi nilang hahamunin nila ang testimonya ng mga testigo ng prosekusyon.
Inihayag din ni Kaufman na naghahanda silang kuwestiyunin o iapela ang naging desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber.
Samantala, sinabi rin ng defense team na hindi nila inaasahan ang anumang tulong mula sa pamahalaan ng Pilipinas sa pagharap ng dating pangulo sa kaso. | via Joana Luna, D8TV News
