VAT exemption sa systems loss charge sa kuryente, isinusulong

Nanawagan ang mga kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara na agarang ipasa ang panukalang batas na mag-aalis ng Value-Added Tax o VAT sa system loss charge ng mga bayarin sa kuryente.

Sa isang pahayag, sinabi nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Elago, at Renee Louise Co na inihain nila ang House Bill 9165 upang amyendahan ang National Internal Revenue Code at alisin ang VAT sa naturang singil.

Ayon sa grupo, hindi makatarungan na pinapasan ng mga konsyumer ang system loss charge na tumutukoy sa nawawalang kuryente dulot ng technical losses, pilferage, at iba pang inefficiencies sa transmission at distribution system.

Dagdag pa nila, bukod sa pagbabayad ng konsyumer sa hindi naman nagamit na kuryente, pinapatawan pa ito ng VAT kaya’t doble umano ang epekto sa bulsa ng mamamayan.

Iginiit din ng Makabayan bloc na kabilang ang Pilipinas sa may pinakamataas na singil sa kuryente sa rehiyon dahil sa kakulangan ng subsidiya ng gobyerno at sa profit-driven na sistema ng pribatisadong industriya ng enerhiya. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *