Mariing itinanggi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagpadala sila ng imbitasyon kay Sen. Christopher “Bong” Go para maging resource person sa isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Kasunod ito ng post ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa X (dating Twitter) na nakatanggap umano siya ng impormasyon na naimbitahan na si Go sa ICI.
Ayon pa kay Trillanes, hindi rin daw umano papayag ang senador magpunta kung hindi kasama ang kanyang mga kapwa-senador na sina Sen. Imee Marcos at Sen. Bato dela Rosa upang tumayo bilang abogado niya.
Iginiit pa niya na dapat maimbitahan si Go kasama ang kanyang ama at kapatid na pawang nadadawit ngayon sa isyu ng mga proyekto ng flood control noong Duterte administration.
Samantala, kinumpirma naman ng komisyon na natanggap na nila ang mga kopya ng isinampang reklamo ni Trillanes laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Go. | via Alegria Galimba
