Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng bus driver na nag-viral matapos makuhaan ng video na naglalaro ng online gambling habang nagmamaneho.
Ayon sa LTO, pinatawan nila ng 90 araw na suspensyon ang driver na naiparating na sa kompanya ng bus na Kersteen Joyce Transport sa pamamagitan ng show cause order.
Ayon kay Acting Assistant Secretary and LTO Chief, Atty. Greg G. Pua Jr., malala na ang adiksyon ng driver, dahilan upang malagay sa panganib ang buhay ng kanyang mga pasahero.
“Malala na yata ang addiction ng driver na ito sa online gambling to the point na nilagay niya sa alanganin ang kaligtasan ng mga pasahero, hindi po natin ito palalampasin,” ani Pua.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Reckless Driving o Sec. 48 of R.A. 4136 at Anti-Distracted Driving Act o Sec. 4 of R.A. 10913 ang driver.
Dagdag pa rito, pinagpapaliwanag din ang Kersteen Joyce Transport kung bakit hindi sila dapat patawan ng karampatang parusa sa pag-hire ng isang reckless driver.
“Failure to appear and submit written comment/explanation as required shall be construed by this office as a waiver of your right to be heard, and the case shall be decided based on the evidence at hand,” dagdag ni Pua. | via Florence Alfonso | Photo via LTO
#D8TVNews #D8TV
