Kinumpirma ng Presidential Communications Office na patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang ulat na umalis na sa Senado si Sen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, may mga impormasyong mula sa ilang sources na posibleng nakalabas na sa Senate premises si Sen. Bato, ngunit wala pa ring opisyal na kumpirmasyon hinggil sa kanyang kinaroroonan.
Iniulat na umalis sa Senado bandang alas-2:30 ng madaling araw si dela Rosa, ilang oras matapos ang ipinatupad na lockdown kasunod ng insidente ng shooting incident noong Miyerkules ng gabi, May 13.
Ayon sa ulat, may mga armadong indibidwal na umano’y nagtangkang pumasok sa Senado, na nagdulot ng tensyon at mahigpit na seguridad sa loob ng gusali.
Nauna nang nananatili sa Senado si Dela Rosa sa ilalim ng protective custody habang may kinakaharap na arrest warrant mula sa International Criminal Court kaugnay ng mga kaso na may kinalaman sa anti-drug campaign noong administrasyong Duterte.
