Nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Atty. Chel Diokno ng isang congressional inquiry kaugnay sa patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente at sa iba’t ibang pass-through charges na ipinapataw sa mga konsyumer ng Meralco at iba pang distribution utilities.
Sa ilalim ng House Resolution No. 995, kasama sina Representatives Percival Cendaña, Dadah Kiram Ismula, at Kaka Bag-ao bilang mga may-akda ng panukala na magsasagawa ng imbestigasyon sa epekto ng iba’t ibang singilin at subsidiya na ipinapasa umano sa mga konsyumer sa kanilang buwanang electric bill.
Ayon kay Diokno, kabilang sa mga pinapataw na bayarin ang generation charge, transmission charge, system loss charge, universal charge, Feed-in Tariff Allowance o FIT-All, Green Energy Auction Allowance o GEA-All, missionary electrification charges, at iba pang buwis na pinapayagan sa ilalim ng umiiral na mga batas gaya ng EPIRA Law at Renewable Energy Act.
Binigyang-diin ni Diokno na habang nahaharap ang publiko sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin, hindi umano dapat dagdagan pa ang pasanin ng mamamayan sa pamamagitan ng mga hindi malinaw at mabibigat na singilin sa kuryente.
Layunin din ng imbestigasyon na suriin ang mga probisyon ng EPIRA Law, mga polisiya ng Energy Regulatory Commission, at ang implementasyon ng Lifeline Rate Subsidy Program upang matiyak kung patas, malinaw, at makatarungan ang kasalukuyang sistema ng paniningil sa kuryente. | via Judea Bernardo, D8TV Correspondent
