Sinibak sa pwesto ang 11 opisyal ng Pangasinan Police Provincial Office matapos ang sunod-sunod na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ilegal na sugal na jueteng sa iba’t ibang bayan at lungsod sa Pangasinan noong April 13, 2026.
Batay sa dokumento, kabilang sa mga tinanggal sa pwesto ang provincial director ng Pangasinan PPO, mga opisyal mula sa intelligence units, at ilang hepe ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan.
Epektibo ang kanilang pagkakatanggal noong Abril 27, 2026, at pansamantalang inilagay sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame.
Sa operasyon ng NBI, humigit-kumulang 170 indibidwal na umano’y sangkot sa jueteng operations ang naaresto sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan.
Pinakamarami ang naaresto sa San Carlos City, sinundan ng Rosales, Calasiao, Urdaneta City, at Manaoag.
Ayon sa imbestigasyon, patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng ugnayan ng ilang opisyal at ilegal na sugal sa lalawigan. | via Allen Ibañez, D8TV Correspondent
