Turismo sa Pilipinas, nananatiling malakas —DOT

Ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT) ang patuloy na paglakas ng turismo sa bansa sa kabila ng mga hamon at pabago-bagong kondisyon sa industriya.

Sa Tourism Congress of the Philippines sa Makati City, sinabi ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na umabot sa 2.24 milyong foreign tourist arrivals mula January hanggang April 27, na mas mataas ng halos 9% kumpara sa nakaraang taon.

Ayon sa kalihim, ipinapakita nito na nananatiling malakas ang demand sa turismo, ngunit mas nagiging mapili at pabago-bago ang mga biyahero.

Dagdag niya, paiigtingin ng DOT ang koordinasyon sa mga stakeholders upang mas mapalakas pa ang sektor ng turismo na may malaking ambag sa ekonomiya at trabaho sa bansa.

Binanggit din ni Angara-Mathay na nakatutok ang ahensya sa pagpapalakas ng connectivity, domestic tourism, investment, at pagpasok ng mga pangunahing merkado tulad ng China, India, Japan, South Korea, at iba pang bansa.

Giit niya, bagama’t may mga hamon sa imprastraktura at investment, kinakailangan ang tuloy-tuloy at pangmatagalang solusyon, at nagsisimula na ang ahensya sa mga hakbang para rito.

Ayon pa sa DOT, patuloy ding pinapalakas ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) upang pondohan ang mga proyekto sa pagsasanay, edukasyon, at imprastraktura sa turismo. | via Joana Luna, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *