Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang panukalang magbabawal sa paggamit ng social media para sa mga kabataang edad 16 pababa.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2066 o Social Media Safety for Children Act, layon nitong ipagbawal ang pag-register, paggamit, at pag-maintain ng social media accounts ng mga menor de edad.
Ayon sa senador, panahon na upang protektahan ang kabataan mula sa mga panganib online, kasabay ng mga hakbang na ginagawa na rin sa ibang bansa tulad ng Australia at Indonesia.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority at Department of Information and Communications Technology, 66 percent ng mga batang edad 10 hanggang 16 ang gumagamit ng social media, habang higit 92 percent sa kanila ay may sariling account.
Sa ilalim ng panukala, obligadong magpatupad ng mahigpit na age verification system ang mga social media platforms, kasama ang parental controls, content filters, at mga mekanismo laban sa pag-iwas sa restriksyon tulad ng dummy accounts.
Lilimitahan din ang mga features na maaaring magdulot ng sobrang paggamit, gaya ng autoplay at algorithm-based recommendations.
Itatalaga ang DICT bilang pangunahing tagapagpatupad ng panukala, na may kapangyarihang mag-monitor, mag-imbestiga, at mag-utos ng pag-block sa mga platform na hindi susunod sa regulasyon.
Maaari ring patawan ng multa, suspensyon, o pagbawi ng operasyon ang mga lalabag na kumpanya, alinsunod sa umiiral na Data Privacy Act. | via Ghazi Sarip
