Umano’y banta sa kaligtasan ni Co, walang batayan —Malacañang

Itinanggi ng Malacañang na may basehan ang mga pahayag na maaaring malagay sa panganib ang kaligtasan ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kailangang patunayan muna ang mga alegasyon ng umano’y death threats bago ito ilabas sa publiko.

Giit ng Palasyo, wala pang naipapakitang ebidensya na magpapatunay sa naturang banta, at dapat munang tukuyin kung saan ito nagmumula.

Reaksyon ito ng Palasyo sa pahayag ni Senador JV Ejercito na magiging hamon ang pagtiyak sa seguridad ni Co sakaling maibalik ito sa bansa.

Tiniyak naman ng Malacañang na mananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagbibigay ng proteksyon sa lahat ng Pilipino alinsunod sa batas.

Kasabay nito, iginiit ng Palasyo na isinasagawa ang koordinasyon ng Department of Justice at Department of Foreign Affairs sa kanilang courterparts sa Czech Republic para sa posibleng repatriation ni Co.

Si Co ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Czech authorities matapos ma-flag dahil sa umano’y illegal entry, habang patuloy na iniimbestigahan ang mga kasong kinakaharap kaugnay ng budget insertions at flood control projects.

Nilinaw din ng Malacañang na maingat ang pamahalaan sa pagbibigay ng impormasyon dahil may sangkot na ibang bansa sa kaso.

Samantala, binatikos din ng Palasyo ang mga kumakalat na pahayag na nagdududa sa impormasyon ng pamahalaan, at tinawag itong fake news.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *