Mariing pinabulaanan ni Senate President Vicente Sotto III ang alegasyon ni Atty. Salvador Panelo na may apat na senador na umano’y siguradong boboto upang ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, wala umanong “crystal ball” si Panelo upang hulaan ang magiging desisyon ng Senado, at iginiit niyang mananatiling impartial ang mataas na kapulungan at magbabatay lamang sa ebidensya sa oras ng paglilitis.
Nauna nang pinangalanan ni Panelo sina Sotto, Sen’s Panfilo Lacson, Risa Hontiveros, at Kiko Pangilinan bilang mga umano’y may desisyon na laban kay Duterte, isang pahayag na agad namang itinanggi ng Senate President.
Samantala, puspusan na ang paghahanda ng Senado sa posibleng pagdating ng Articles of Impeachment mula sa House of Representatives of the Philippines.
Kinumpirma rin ni Sotto na nagkaroon sila ng isang informal dinner meeting kasama ang majority bloc, ngunit nilinaw niyang hindi ito isang opisyal na caucus.
Bilang inaasahang presiding officer ng impeachment court, nagsasagawa na rin si Sotto ng pagre-review ng mga batas upang matiyak ang maayos na proseso.
Nahaharap ang bise presidente sa mga paratang kabilang ang betrayal of public trust at umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Ayon naman kay Lacson, handa na ang majority bloc sa anumang hakbang ng mga kaalyado ni Duterte na maaaring maglayong pigilan o maantala ang proseso ng impeachment. | via Ghazi Sarip, D8TV Correspondent
