Inilabas na ng Department of Education ang school calendar para sa School Year 2026–2027, kung saan nakatakdang magsimula ang klase sa June 8, 2026 at magtatapos sa April 8, 2027.
Batay sa DepEd Order No. 009, s. 2026, magkakaroon ng kabuuang 201 class days sa darating na school year.
Kinumpirma rin ng DepEd ang pagpapatupad ng three-term school calendar sa mga pampublikong paaralan, kung saan hahatiin ang academic year sa tatlong bahagi na may nakalaang panahon para sa klase at pagsusulit.
Ayon sa ahensya, layunin ng bagong sistema na mapabuti ang paggamit ng oras sa pagtuturo at matugunan ang mga isyu tulad ng pagkaantala ng klase, mabigat na workload ng guro, at mababang student engagement.
Sa ilalim ng iskedyul, magsisimula ang unang termino sa June 8 hanggang September, susundan ng ikalawang termino mula mid-September hanggang early December, at ikatlong termino mula Enero hanggang Marso, bago ang pagtatapos ng klase sa April 2027.
Pinapayagan din ang mga pribadong paaralan na gamitin ang three-term system basta’t nasusunod ang itinakdang bilang ng school days ng DepEd.
